Tuesday, March 3, 2015

'Sen. Bong nasa ospital na kapiling si Jolo'

Jolo Revilla  
Source: Bombo Radyo
 
(Update) Kasama na ni Sen. Ramon "Bong" Revilla, Jr. ang kanyang anak na si Cavite Vice Gov. Jolo Revilla matapos na pahintulutan ng Sandiganbayan 1st Division nang panandaliang makadalaw.

Batay sa naunang kautusan na nilagdaan ni Justice Efren dela Cruz, ang palugit sa senador na makalabas ng PNP Custodial Center ay simula alas-3:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi.

Pero pasado ala-1:30 ng hapon pa lamang kanina nang umalis ang convoy ng senador sa Camp Crame at dakong alas-2:00 ng hapon nang siya ay makarating sa Asian Hospital sa Muntinlupa City.

Batay pa sa abiso ng korte, limitado lamang ang maaari niyang puntahan.

Bantay sarado naman siya ng mga otoridad sa buong panahon ng kaniyang paglabas.

Masusi pa rin ang ginagawang pagbabantay sa kalagayan ng nakababatang Revilla sa ICU na sumailalim umano sa ikalawang CT scan.

Matatandaang ang nakababatang Revilla ay aksidenteng nabaril ang sariling dibdib noong Sabado ng umaga habang nililinis ang kaniyang baril.

Pero sa hiwalay na impormasyon, dumaranas umano ng depresyon ang actor-politician bago nangyari ang pagkakabaril nito sa sarili.

Ang senador ay nakakulong sa PNP detention facility dahil sa mga kasong plunder kaugnay ng pork barrel fund scam.

Ayon naman kay PNP-PIO chief, Police Chief Supt. Generoso Cerbo, naniniwala sila na hindi na hihirit pa na makabisita sa ibang lugar si Revilla.

Giit ng heneral, maliwanag ang oras na ibinigay ng Sandiganbayan kung kayat susundin ito ng PNP.

Pahayag ni Cerbo na dapat lamang bigyan ng konting space ang pamilya Revilla kaugnay sa aksidenteng pagbaril sa anak ng senador na si Jolo.

Ayon kay Cerbo ang mga nag-escort kay Revilla patungong ospital ay mga miyembro ng Muntinlupa police, RPSB mula sa NCRPO at HPG.

Nagpaalala naman si Cerbo sa mga tauhan ng PNP na kasama sa convoy ng senador na mananagot ang mga ito kapag pinayagan nilang magpunta o dumaan pa sa ibang lugar ang senador, dahil malinaw naman aniya ang naging paalam nito sa Sandiganbayan na dadalaw lamang ito sa kanyang anak.

Kaugnay nito sinabi din ni Cerbo na kahit sagot ng pamilya ang gastos sa paglabas sa custodial center, mayroon naman umanong sariling operational expenses ang mga unit ng PNP na kasama sa security convoy kaya walang magiging problema pagdating sa usaping ito.

No comments:

Post a Comment