Ipinadama ng Foton Lady Tornadoes ang kaseryosohan at matinding hangarin na mapasakamay ang titulo matapos na sorpresang walisin ang Cignal HD Spikers sa loob ng tatlong set, 25-18, 26-24, 25-23, sa pagsisimula kahapon ng 2015 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference sa MOA Arena.
Ginulantang ng Lady Tornadoes, naitala sa unang pagkakataon na magwagi sa kanilang unang laban sa torneo, ang dalawang beses na naging runner-up na HD Spikers upang ipadama na makapagtala ng kasaysayan sa torneo.
Ang panalo ay ang unang pagkakataon din na nakuha ng Lady Tornadoes na walisin ang kanilang kalaban sa loob ng tatlong set.
Naging mahigpit ang labanan sa ikalawang set kung saan ay kinailangan ng Lady Tornadoes ang kabayanihan ng rookie na si Nicole Tiamzon upang itakas ang 26-24 panalo. Sinandigan ng Foton si Rose Estampa na ibinigay ang krusyal na puntos na nagtulak sa kanila upang ipanalo ang set.
Kinumpleto naman ni Tiamzon ang maigting na unang paglalaro sa torneo matapos na tulungan ang Foton na makabalikwas mula sa 23-20 pagkakaiwan bago agawin ang kinakailangang huling limang puntos.
“Nagpapasalamat po kami sa aming coach at management dahil naniwala po sila sa aming mga player. Hindi po matatawaran ang kanilang suporta at nagpapasalamat din po kami sa Philippine Superliga,” sinabi ni Tiamzon na tinanghal na MVP of the game.
No comments:
Post a Comment