Monday, March 9, 2015

BOI muling humiling ng extension - Cerbo

Mamasapano 
Wala pang aasahan ngayong araw na maisusumite ng Board of Inquiry (BOI) ang kanilang report kaugnay sa imbestigasyon nang nangyaring Mamasapano encounter na ikinasawi ng 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF).
By  Dennis Jamito | BomboRadyo

Ito ang ginawang paglilinaw ngayong umaga ni PNP spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo, Jr.

Sa isang panayam sinabi ni Cerbo, muling humingi umano ng extension si BOI head at CIDG chief Director Benjamin Magalong bago magsumite ng report kina DILG Secretary Mar Roxas at PNP OIC chief Deputy Director General Leonardo Espina.

Una nang napaulat na posibleng maisasapubliko na sana ngayong Lunes ang BOI investigation.

Iginiit naman ni Cerbo na batay sa impormasyon na kanyang nakuha, sa ngayon wala pang petsa kung kailan ang panibagong self-imposed deadline na pagsusumite ng report ng BOI.

Meron pa umanong kinokompleto ang grupo ni Gen. Magalong, pero hindi naman maidetalye ni Cerbo kung anu-ano pa ito.

Sa isyu naman nang pagsasapubliko ng resulta ng imbestigasyon, aniya nasa kamay na umano ito ng chief PNP.

Kahapon lamang nagsagawa ng iba't ibang akbidad sa ilang bahagi ng bansa ang mga kaanak, ilang sektor, at PNPA alumni upang gunitain ang ika-40 araw matapos ang pagkamatay nang tinaguriang Gallant 44 at ang panawagan pa rin ng hustisya at katotohanan na lalabas sa imbestigasyon.

No comments:

Post a Comment