Thursday, March 19, 2015

'P-Noy nasaktan din sa BOI report' - Magalong

  
Bombo news (Photo courtesy of UNTV)
 
Tiniyak ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Police Director Benjamin Magalong na wala nang epekto pa sa ipinalabas na report ng Board of Inquiry (BOI) kaugnay sa Mamasapano operation ang mga naging paglalahad ni Pangulong Noynoy Aquino san kanilang hinggil sa nalalaman nito sa isinagawang "Oplan Exodus".

Sinabi ni Magalong na sa kanilang pag-uusap ng pangulo kahit papaano ay nalinawan ito at napunan ang mga naging bitin sa kanilang report.

Pero aminado ang heneral na sa kanyang pakiramdam ay kahit papaano ay nasaktan ang commander-in-chief sa kanilang ginawang imbestigasyon.

"It was a straightfoward discussion, very systematic, very educated," ani Magalong. "Visibly nasaktan siya. Nasaktan siya sa naging report, makikita naman 'yun."

Batay sa kaniyang pagkakaintindi, umaasa raw sana si Pangulong Aquino na coordinated ang lahat ng aksiyon sa pagpapatupad ng Mamasapano operations.

Pahayag ni Magalong, batay sa salaysay ng pangulo lumalabas na maging ang commanding general ng Philippine Air Force na si Lt. Gen. Jeffrey Delgado ay blangko sa Mamasapano operations.

Samantala, tanggap naman niya na hindi maiiwasan na mayroong natatanggap na batikos, pag-atake at kritisismo ang BOI.

Pahayag pa ng heneral, sa ngayon sinisikap na lamang nila na hindi magpaapekto at iniiisip na lamang na tapos na ang kanilang trabaho.

Pagtiyak ni Magalong, ang nasabing report ay kanilang ipinagmamalaki.

Sa ngayon nabuwag na ang BOI at kailangan na nilang umusad o mag-move forward.

Dagdag pa ng heneral kung mayroon man aniya silang natutunan sa malaking hamon na kanilang naranasan, ito ay ang huwag nang maging miyembro ulit ng board of inquiry sa mga susunod na pagkakataon.

Bago pa man inilabas ng BOI ang kanilang report, una nang sinabi ni Magalong na bigo silang makausap at mahingan ng pahayag si Pangulong Aquino kaugnay sa kaniyang nalalaman sa Mamasapano operations.

Sinasabing hindi umano naabisuhan ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas si Pangulong Aquino kung kaya't hindi nagawang mainterview ng Board of Inquiry ang pangulo.

Ayon kay Magalong, inamin mismo ng kalihim sa ginawang pagpupulong sa Palasyo na nakaligtaan nitong ipaabot kay Pangulong Aquino ang intensyon ng BOI na makunan ito ng pahayag kaugnay ng kanyang nalalaman sa "Oplan Exodus" dahil umano sa dami ng kanyang trabaho.

Kwento pa ni Magalong, tinanong umano siya ng pangulo kung bakit hindi ito kinunan ng pahayag ng BOI, at dito na umano sinabi ni Magalong na ipinarating nila ang kanilang intensyon sa pamamagitan ni Sec. Roxas.

Gayunman, sinabi ni Magalong na may naging pagkukulang din sya dahil sa hindi na rin nito nagawang mai-follow up kay Sec Roxas ang kanilang kahilingan na ma-interview o makunan man lang ng salaysay ang chief executive.

No comments:

Post a Comment