By: Aram Odumreb |
Lahat siguro tayo kapag ka nanonood ng telebesyon higit na yaong mga palabas na nakakatawa ay maaaliw sa pa-kwelang pagpapatawa ng ating mga ini-idolong artista o maging ng mga tinatawag nating mga "stand-up comedian". Ito'y dahil narin sa kanilang nakaka-wiling pamamaraan ng pagpapatawa.
May ilang taon narin ng unang sumabak sa showbiz ang mga kagaya nitong mga komedyante na dati ay sa mga Comedy Bars lamang natin napapanood. Ngunit dahil narin sa pag-ikot ng mundo at pag-usad ng panahon at marahil para narin matugunan ang pagbabagong hinahanap ng mga manonood, nauso narin sa telebesyon maging sa mga programa sa radyo ang pagpasok ng mga komedyanteng gaya nina Pooh, Chokoleit, Vice Ganda at marami pang iba.
Ang bawat isa sa mga ito ay may iba-iba at natatanging talento para makuha ang atensyon ng kanilang mga manonood at masasabi natin na sa hanay nila Pooh, Chokoleit at Vice Ganda, ay ang huli ang syang bentang-benta sa ngayon. Kaliwa't kanan ang kanyang mga proyekto - mapa programa man sa telebesyon, konsyerto sa iba't ibang dako ng mundo at maging sa mundo man ng pelikula. Walang duda na tinatangkilik nga ang kanyang talento at ang kanyang naiibang komedya na siya nga namang bumebenta sa publiko.
Gaya ng nasabi ko sa unahan, wala ngang duda na mawiwili at hahagalpak sa kakatawa ang isang taong manonood ng kanilang mga programa. Nga lamang madalas kung hindi man lagi ay nabu-bwisit din ang mga taong nagiging 'subject' o 'object' ng kanilang pagpapatawa. Kadalasan napapahiya ang mga ito sapagkat tahasan namang ino-okray ng komedyante ang kanilang mga napiling panauhin. Halimbawa nito ang namayapang si Tado at ang batikanong host ng telebesyon na Jessica Sojo na minsan nang ginaya ng nasabing komedyante.
Ang saakin lang po ay ito - Oo nga't trabaho mong magpatawa at lumikha at kumuha ng atensyon ng madla, pero gawin mo naman sana ito sa paraang hindi nakakasakit sa kapwa mo. Isa pa, yaman din lang na nasa rurok ka ng iyong tagumpay at kasikatan, gamitin mo sana ang pagkakataong ito na maipahatid saiyong mga manunood ang magagandang ugali ng isang tunay na Pilipino.
Mapapansin po natin na karamihan sa ating mga kabataan, nagta-trabaho man o hindi ang siyang komokopya at gumagamit na ng mga salitang katulad ng kay Vice Ganda at ng iba pa na gumagamit ng tinatawag na 'gay lingo' o "gay language". Lumalabas tuloy na ang ating mga kabataan ngayon ay lumalaking pilosopo at walang respeto.
Halimbawa: Si Aleng Reming na abala sa pagkuskos ng kanyang labahin ay nilapitan ng kanyang anak na dalagita at tinanong kung nakita niya ang bestida nitong pula. At dahil abala hindi gaanong naunawaan ng Ale ang sinasabi at itinatanong ng kanyang anak. Kaya nagtanong ng pabalik ang Ale. At sinabing "Ano kamo Lara anak, Ako ba'ng kausap mo?". Na siya namang sinagot ng anak na: "Ay hindi Inay, 'yong katabi n'yo siyang tinatanong ko. Dalawa lang po tayo dito hindi ba so, malamang ikaw ang kausap ko."
Ang mga istilo at dayalogong ito ang siyang madalas na gamit ng nasabing komedyante na bagaman, nakaka-aliw sa ilan sa ating mga kabataan ay hindi parin tamang pakinggan ayon sa nakararami sa ating mga magulang.
Oo nga't nauso rin ang salitang 'sentido kumon' o "Common Sense" sa Ingles pero hindi nangangahulugan itong magiging barubal na tayo sa ating mga magulang, nakatatanda at maging sa ating kapwa.
Ang lahat ng tao ay may kanya-kanyang lebelo o antas ng pagi-isip. Hindi ibig sabihin na ang bagay na nauunawaan mo ay nauunawaan ng kapwa at ng katabi mo. Kaya hindi naman siguro kalabisan na sumagot ka ng maayos kapag ka tinatanong ka ng kapwa mo lalo't higit ay maayos naman ang paraan ng pagtatanong saiyo.
Hindi natin kailangang magmagaling at magtali-talinuhan sapagkat kahit pa sinasabing magaling ka at alam mo sa sarili mong lamang ka sa taong kausap mo ay pare-pareho parin tayong nilikha ng Panginoon ng pantay sa lahat ng bagay. Maaring sa bagay na 'iyon' ay magaling at lamang ka pero may mga bagay ring tiyak na hindi mo alam at siya naman ang lamang saiyo. Respeto lamang kaibigan, kasi magbago man ang panahon, milyon-milyon mang bagong salita ang dumating at ma-uso sa hinaharap, kung mayroon tayong respeto sa isa't-isa, tinitiyak ko sainyo, mangingibabaw parin ang tunay na ugali at kulturang Pilipino - huwag sana nating kalimutan ito.
No comments:
Post a Comment