Monday, February 16, 2015

Palyadong armas ng SAF 44, iimbestigahan

Image result for mamasapano clash updated photos
By   Analy Soberano| BomboRadyo & Google Images
 
Pinaiimbestigahan na ngayon ni PNP OIC chief, Deputy Director General Leonardo Espina ang umano'y napaulat na palyadong mga granada na bitbit ng mga PNP-Special Action Force (SAF) sa isinagawang operasyon sa Mamasapano na ikinasawi ng 44 na police commandos.

Ayon kay Espina, kabilang sa sisiyasatin ng PNP Board of Inquiry ay kung totoong palyado nga ang nasabing mga granada.

Sinabi ng heneral na hindi mabuting magkaruon agad ng konklusyon sa umano'y hindi gumaganang granada na ginamit ng SAF 44 sa Mamasapano operation.

Inatasan ni Espina ang hepe ng PNP Logistics para tingnan at siyasatin ang nasabing report.

Lumabas sa ilang mga ulat na bukod sa hindi naubusan ng bala ang sumabak na puwersa ng Special Action Force sa Mamasapano, sablay din umano ang granadang bitbit ng mga ito nang makipagsagupa sa nakaengkuwentrong BIFF at MILF members.

Sa kabilang dako, ayon naman kay PNP PIO chief, Police Chief Supt. Generoso Cerbo, lahat umano ng kanilang mga kagamitan kabilang na ang bala at granada ay sumasailalim sa matinding pagsusuri.

Para naman kay NCRPO chief Director Carmelo Valmoria na dating bahagi ng SAF na nakipaglaban noon sa MNLF rebels sa Zamboanga City, hindi basta-basta ang mga armas ng SAF dahil espesyal ito kumpara sa ibang operating units ng PNP.

Samantala, nabawi naman ng militar ang ilang gamit ng mga nasawing SAF troopers sa Mamasapano.

Isinoli ito ng ilang concerned citizen sa Mamasapano Municipal Police Station sa tulong ng kanilang local government unit.

Kabilang sa mga nabawing gamit ay isang ballistic metal plate, isang Kevlar helmet na may mga butas na, palatandaan na tinamaan sa ulo ang may suot nito, at isang vertex standard handheld radio.

Sa iba pang mga gamit ng mga nasawing SAF 44, nangako ang pamunuan ng MILF na kanila itong isosoli.

Kabilang sa mga nawawalang gamit ng mga nasawing SAF commandos bukod sa kanilang mga armas ay mga uniporme, cellphones at bulletproof vests.

No comments:

Post a Comment