Wednesday, February 25, 2015

Leksyon sa EDSA pairalin sa peace process - Noy

 By  Reymund Tinaza| Bombo Radyo
  Larawan ni Pangulong Noynoy Aquino Photo from google
 
Binigyang-diin ngayon ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III na huwag sanang makalagpas ang pagkakataong makamit ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.

Ginawa ng Pangulong Aquino ang pahayag sa pagdiriwang ng ika-29 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution at naantalang pagpasa ng Bangsamoro Basic Law (BBL) dahil sa Mamasapano encounter na nagbunga ng duda sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Sinabi ng Pangulong Aquino, ginintuang maituturing ang pagkakataong ito, kung kailan abot-kamay na ang kapayapaan sa Mindanao habang buhos pa ang suporta ng ibang bansa.

Ayon sa Pangulong Aquino, duda siyang magagarantiya ng mga kontra BBL na mauulit ang ganitong oportunidad.

Kaya muling ipinaalala ng Pangulong Aquino ang sakit na naramdaman sa pagkakapatay ng kanyang ama kung saan imbes na maghiganti ay pinanatili ang hinahon.

Hindi raw para makakuha ng simpatya kundi para maipaunawang sa gitna ng galit at pagdadalamhati, mas makapangyarihan ang tiwala, malasakit, pag-ibig at kapayapaan.

"Ngayon, may pagkakataon po tayong baguhin ang istorya ng ARMM dahil sa maraming dahilan. Marami nga pong bansa ang nagbubuhos ng suporta sa ating usaping pangkapayapaan. Halimbawa na lang po ang Malaysia: Hindi lamang sa salita, kundi sa gawa, pinadama nila sa atin na katuwang sila sa pagkamit ng kapayapaan. At dahil buo ang tiwala ng sambayanan po sa atin, ni minsan, hindi ako natuksong gamitin ang ARMM para magsagawa ng command votes. Ang mga pinuno ng MILF, pinadama rin sa atin ang kanilang tiwala at kumpiyansa na magiging katuwang din sila, kasama ang buong Bangsamoro, sa paghahanap ng kapayapaan. Ginintuan ngang maituturing ang pagkakataong ito, kung kailan abot-kamay na ang kapayapaan sa Mindanao. Sa mga nagsasabi na ihinto na ang peace process, at ang pagpapasa ng Bangsamoro Basic Law, ang tanong natin: Paano nila masisigurado na magkakaroon ulit ng ganitong oportunidad?" ani Pangulong Aquino.

No comments:

Post a Comment