Monday, February 23, 2015

Editorial: PNoy Resign! Tatalab nga ba?


                                                                Ni: Aram Odumreb
Dalawang araw mula ngayon ay ang paggunita ng marami saatin sa EDSA People Power Revolution, kung saan ito ay pinangunahan ng dating butihin at Dating Pangulong Corazon C. Aquino, Ina ng ating kasulukuyang Pangulo. Ngunit dahilan sa patuloy na paghuhugas kamay ng Palasyo hinggil sa isyu ng #fallen44 o ang patraydor at karumaldumal na pagpaslang sa apatnapu't apat na mga nasawing tauhan ng PNP-Special Action Force o SAF. Ngayong nalalapit ang paggunita natin sa tagumpay ng Rebolusyon sa EDSA noong 1986, habang papalapit ang araw na ito tila baga pahigpit na pahigpit narin ang taling nagu-ugnay sa Pangulong Pnoy at sa mga Bosing nito. At sa araw na ito, mapagtagumpayan din kayang amlusutan ng Pangulo ang mga isyu at problemang kinahaharap nito?
Kung totoo man ang kasabihan sa Ingles na "History repeats itself" ito'y nangyayari ngayon sa pabaligtad na pagkakataon.
Kung noon ay nagsaya at napuno ng galak ang puso ng mga Aquino sa suportang ibinigay sa kanila ng taumbayan, Ngayon nama'y parang mababasag ang puso ng ilan sa kanila. Ito'y dahil narin sa kapabayaan ng presenteng Administrasyon. Masyado silang nagtiwala at marahil ay masyadong kumpyansa sa tiwalang ibinibigay nila sa kanilang mga tauhan at buong gabinete.
Marahil hindi nila inaasahan ito, at ngayon kahit ang Pangulo ay halatang napipikon na sa kaliwa't kanang ibinabato sa kanyang kampo hinggil sa pagpatay sa mga kasapi ng SAF.
Lumalabas sa pahayag ng halos lahat ng mga kapamilya ng mga naulila na lumabas ngang pikon at nakitaan ng natural na ugali ang pangulo nito lang miyerkules ng puntahan nito ang mga naulilang kamag-anak ng mga biktima sa engkwentro doon sa Mamasapano. Ayon sa ulat, sinabi diumano ng Pangulo na Patas na sila ng mga ito sapagkat siya man daw ay nawalan din ng Ama.  Dagdag pa rito ang parang pa-aroganteng tugon ng Pangulo ng magtanong ang isa sa mga naulila, kung saan sinabi umano ng Pangulo na "at anong gusto nyo - kunin natin ang mga finger prints ng mga kalaban, aba mahirap iyon, marami iyon!"
Nauunawaan natin na nasa mahirap na estado ngayon ang Pangulo, pero maunawaan niya sana na mas nasa mahirap na kalagayan ang mga taong ito na naulila ng kanilang mga Mahal sa buhay, na buti sana kung makatarungan ang kamatayan. Namatay sila dahil sa kapabayaan ng mga Opisyal sa Gobyerno na hanggang ngayon ay nagtuturuan at naghuhugas kamay parin.
Kung wala din lang sanang maitutulong at mabuting sasabihin ang kampo ng Pangulo o maging siya mismo ay huwag na muna sana niyang puntahan ang mga ito sapagkat hindi mauuunawaan ng nagdadalamhati ang simpatiyang labas sa ilong at ipinipilit.
Ang dapat gawin ng Pamahalaan ngayon ay tukuyin, akuin o paaminin ang dapat na umamin para mabilis na umusad ang imbistigasyon. Ito lamang ang natatanging paraan para mawala ang duda ng nakararaming Pilipino sa presenteng Administrasyon.
Hindi kailangang patulan ng Pangulo ang mga hinaing at reklamo ng mga pamilyang naulila. Ang kailangan niyang gawin ay siguruhin ang katuparan ng mga ipinangako niyang benipisyo at higit sa lahat ang paggawad ng parusa sa mga may sala para maigawad rin ang hustisya sa karumaldumal na pagkamatay ng ating mga bagong bayaning SAF.
Kahapon ay isinagawa ang kaliwa't kanang protesta sa EDSA at sa Maynila para hilingin ang pagbitiw sa pwesto ng Pangulo. Ito'y sa kabila ng pahayag ng Malakanyang na hindi bababa sa pwesto ang Pangulo at tatapusin nito ang kaniyang termino.
Tanong tuloy ng iilan kung kakayanin pa kaya ng Pangulo ang mga problemang kinahaharap nito gayong nagbibigay na ng senyales ang Pangulo  na napipikon na ito sa mga isyung ibinabato sa kaniya o kung hindi man uobra kaya ang Panawagan ng ilan na magbitiw na sa pwesto ang Pangulo? - - PNoy resign, tatalab nga ba?
Nakakalungkot mang isipin pero ganito na ata ang kultura ng mga Pilipino, pagka-hindi nagustuhan ang serbisyo ay hihilingin ang pagbibitiw sa pwesto ng nasa termino. Kaya kung gusto ng Pangulo na matapos kaagad ito, isa lang ang susi rito, ilabas niya ang tunay na nalalaman niya na walang sinomang pinoprotektahan. Pag nangyari ito siguradong maibabalik niya ang kompyansa at tiwala ng madla. Pero kung patuloy na magmamatigas ang kaniyang hanay, siguradong mas dadami pa ang bilang ng mga ralihista sa EDSA na sumisigaw ng PNoy Resign! 



No comments:

Post a Comment