Tuesday, February 3, 2015

EDITORIAL: Sabotahe sa Imbistigasyon


Ni: Aram Odumreb

Marami ng bersyon ang narinig natin mula ng pumutok ang balita sa di umanoy 'misencounter' sa engkwentro ng PNP-SAF, MILF at BIFF. Sa eksklusibong report na ito na nakuha ng TV Patrol, isa na namang anggulo ang pwedeng tingnan sa pagkaka-damay ng mga diumanoy 'pribadong armadong grupo' na siya namang iniu-ugnay sa kampo ng mga Ampatuan.

Sa video ring ito, mariing itinanggi  ng kanilang kampo sa pangunguna ni Mayor Ampatuan ang bintang sa kanilang hanay, ito'y sapagkat malabo raw diumano ang ibinibintang sa kanila ng MILF, dahil mismong kapamilya raw nila ang pinugutan ng ulo ng mga kasapi ng MILF. Tanong ko tuloy, Istilo lamang ba ito para iligaw ang imbistigasyon?

Samantala, Hindi na natiis na hindi umiik ng mga myembro ng AFP na nagsagawa rin pala ng sariling imbistigasyon hinggil sa diumanoy kawalan ng aksyon ng kanilang hanay. Matatandaang sinabi ni Napeñas na buhay pa at naisalba raw sana umano ang kanyang mga tauhan kahit ilang oras ng nakikipag-bakbakan kung dumating lamang raw sana ang hinihingi nilang reinforcement. Nanawagan raw sila ng tulong dakong alas-6 pa ng umaga. Ngunit hanggang sa mamatay daw ang mga ito ay walang dumating na reinforcement.

Ayon sa AFP, lumabas daw sa pagbe-beripika ng mga ito na walang anumang pagkukulang na nagawa ang kanilang hanay sapagkat dumating daw ang unang grupo ng reinforcement dakong als-8 pa lamang ng umaga at naabutan pa raw ng mga ito ang mga kasapi ng SAF pati na ang OIC ng SAF ngayon, na naghihintay lamang sa highway at tumanggi umano silang samahan para ituro ang lugar na pinangyarihan ng engkwentro, kung saan nasawi ang 44 na SAF commandos. Kaya ayon sa kanila, nasa hanay daw umano ng PNP-SAF ang pagkukulang.

Paghuhugas-kamay

Nagsalita na po at nakapag-hugas kamay na ang halos lahat na dapat na magsalita at ngayon, iisa na lamang ang gustong marinig ng marami sa atin. Ang boses at nalalaman ng nasuspending Direktor ng PNP na si Heneral Purisima. Sapagkat anoman ang sasabihin ng Heneral ay siguradong napakalaki ang maitutulong sa pag-usad ng kaso. Ngunit ang tanong ng marami - Magsasabi kaya ng totoong nalalaman niya ang Heneral o gaya ng ilan,  maghuhugas kamay rin kaya ito at tuluyan na nga bang mapupunta ang sisi sa mga taong sumunod lamang umano sa 'order' o 'utos' galing sa 'itaas'?

Sa kabila ng kaliwa't kanang mga ulat ay hindi parin maalis sa isip natin ang mga katanungan na tila baga kay hirap masagot. Kaya importanteng magsabi ng katotohanan ang mga taong imbwelto rito, sapagkat ito lamang po ang magbibigay ng totoong hustisya, katarungan at kaliwanagan sa nangyaring karumaldumal na pagpaslang sa ating magigiting na myembro ng PNP-SAF..

Narito po ang ilan sa mga katanungang nais nating malaman.

- Oo nga't inaako ng na-relieve na si Police Director Getulio Napeñas ang sisi at responsibilidad, pero kung susuriin nating maigi mayroong 'tao' siyang iniiwasang masagasaan kaya sa lahat ng mga panayam sa kanya gayun na lamang ang pag-iwas at ang paulit-ulit nitong pag-ako sa responsibilidad.

Ang sa atin lang, Kung inako narin lang ni Napeñas ang buong responsibilidad at lahat ng sisi, Bakit hindi niya magawang direktang pangalanan ang mga tao sa likod ng pagpaplano at imbwelto sa pagbibigay ng 'Go Signal' sa operasyong ito? Nagpapaka-maginoo lamang ba ang natanggal na Heneral o mayroon ding tinatanaw na utang na loob ito? Natatakot kaya? 

Kung ang Heneral na ito ay hindi natakot sa pag-ako ng responsibilidad sa pagkawala ng 44 na tauhan ng PNP-SAF (hindi pa kasama rito ang bilang ng mga nadamay na biktima doon sa Mamasapano, Maguindanao at ang mga nasugatan at nakaligtas na kasapi ng ahensya) - ano naman kaya ang ikinatatakot ni Purisima, para hindi ito lumantad at magsabi ng totoo?

At totoo nga ba ang posibilidad na mananagot ang Pangulo oras na lumabas ang totoo? Ito ba ang dahilan kung bakit hindi parin lumalabas si Purisima at napabalitang lumabas na ng bansa? At ito rin ba ang dahilan kung bakit kahit minsan ng nabanggit ni Napeñas sa isa sa kanyang panayam na 'alam ng Presidente' ang kanilang operasyon ay hindi rin niya maibigay ang buong sisi rito? Matatandaang sinabi ng Pangulo na alam niya ang tungkol sa operasyon na kung tawagin ay "Oplan Wolverine"  pero sinabi niyang hindi na raw kailangang humingi ng permiso (hindi Go Signal) sa kanya. Kaya naman sa kanyang talumpati nitong miyerkules ng nakaraang linggo, walang binanggit ang Pangulo na nagbigay siya ng 'Go" Signal hinggil sa nasabing operasyon sapagkat hindi na nga raw  kailangan ito. Ang talumpating ito ay umani ng iba't ibang reaksyon higit na sa mundo ng Social media' na binansagan ng marami na ang "paghuhugas kamay" raw ng Pangulo.


Pagsisiyasat

 Sa nagpapa-tuloy pong imbestigasyon makuha sana ng mga kinatawang ito ang katotohanan sa likod ng mga nagu-umpugang kasinungalingan at pagku-kubli sa hanay ng mga taong walang ibang alam kundi ang protektahan ang kanilang mga imahe at karer sa politika.

Nawalan ang ating Bayan - ang ating Bansa ng mga tunay na yaman at mga tunay na armas para sa kaligtasan at kapayapaan ng lahat sa atin. Ito sana ang isipin ng bawat mamamayanat ng ating mga pulitiko at ng lahat na rin ng may katungkulan. Nang sa gayun ang kaligtasan ng bawat isa sa atin ay masiguro ng mga kapulisan, ng bawat maykatungkulan at ng bawat mamamayan.

Sa pagsisiyasat na ito, mangyari sanang masagot ang mga katanungang pilit iniiwasan ng mga kinau-ukulan. Magawa sana nilang matanong ang lahat ng taong imbwelto at maparusuhan ang dapat na maparusahan. At kung ako ay mabibigyang pagkakataong magtanong, ito po ang ilan sa mga gusto kong malinawan at mabigyan ng kasagutan.

Sa hanay ng MILF:

 - Kung totoong hindi nila sinusuportahan ang mga teroristang kagaya nila Marwan at Usman, Bakit nakakuha ang PNP-SAF ng intelligence report na naroroon malapit sa lugar nila nagkukuta ang grupo ng mga ito?

     - Kung talagang sumusunod sila sa Peace and Ceasefire Agreement na kanilang nilagdaan sa pagitan ng kanilang mga Opisyal at mga kinatawan ng Gobyerno, bakit hindi sila gumawa ng paraan na sila mismo ang magsu-sumbong sa mga Opisyal ng AFP ng anumang ilegal na kaganapan, mga gawain at mga kakaibang pangyayari sa kanilang lugar?

     - Kung totoong hindi sila protektor ng mga rebelde at teroristang tulad nila Marwan, Bakit naglabasan ang balitang tinuturuan diumano ang mga ito na gumawa ng bomba, ng mga matataas na kalibre ng baril pandigma at higit sa lahat, ang mag-suplay ng mga ilegal na kagamitang pandigma sa iba pang mga rebeldeng grupo? Kung hindi nila sila sinu-suplayan, Bakit sila tutulungan ng mga ito sa laban na sila rin lang umano ang nagpasimula?

    -  At kung totoong hindi sila protektor ng mga ito, Papaanong nangyari ang sagupaan sa pagitan ng PNP-SAF, MILF, BIFF at ngayon ay kasama pa ang mga pribadong grupo na diumano'y kasama ring nakipagbarilan laban sa mga kasapi ng SAF, gayong una't higit sa lahat ay hindi naman sila ginambala at pinaputukan ng mga kasapi ng SAF at may umiiral ding Peace Agreement, hindi ba? Kailangan ding ipaliwanag ng pamunuan ng MILF, kung Bakit paiba-iba ng testimonya ng kanilang hanay hinggil sa nangyaring bakbakan.

     - Kung talagang idenipensa lamang ng MILF ang kanilang sarili, Paano nangyaring nakubkob at napalibutan ng mga ito kasama na ng BIFF ang grupo ng PNP-SAF na nagsisilbi lamang sanang 'watch-out' ng Assault Team, gayong sinasabi nilang hindi sila binigyan ng impormasyon laban sa naganap na operasyon? Makikita at kapansin-pansin sa lahat ng naglalabasang ulat na lumalabas na mas preparado ang kanilang hanay kumpara sa mga tropa ng PNP-SAF. At kung talagang wala silang alam dapat hindi naging ganoon ka-handa  at karami ang kanilang hanay.

     - At nasaan ang labi ng napaslang na diumanoy si Marwan? Paanong nawala ito gayong sila lang naman ang unang sumaklolo sa mga gwardiya ng nasabing terorista? At kung hindi nila totoong alam, bakit tumatanggi silang isuko ang mga kasapi nilang suspek sa pagpaslang sa mga kasapi ng PNP-SAF? Bakit natatakot silang imbistigahan ang mga ito?


Ang editoryal na ito ay hatid sa inyo ng  


para siguradong 'tigasin' ka at walang kinatatakutan... PERFORMAX!
[for your orders: click here]



 Sa hanay ng AFP:

     - Sa inyong hindi pag-aksyon: Bakit kinakailangan pa ang kongkretong impormasyon samantalang may mga kagamitan naman ang ahensya ng gobyerno. Bakit hindi nila ginamit ito? Sinasabi ng ilan na hindi daw alam ang kompleto at eksaktong lokasyon - O, hindi ba ito ang ipinagmamalaki ng administrasyon na unti-unti na pong nagiging moderno ang Pwersa Armada ng Pilipinas? Anong nangyari dito?

     - Sagot naman doon sa sabi ninyong pagtanggi ng SAF na samahan kayo pabalik sa pinangyarihan. Sinong kapatid ang gugustuhing mapahamak ang kapatid nila lalo't alam nila na marami ng handang tumulong sa kanila? Isa pa, ang AFP ang naka-assign sa lugar at most of the time ay silang nagiikot sa mga lugar na gaya nito, Bakit kinakailangan parin nilang samahan, samantalang Una: pamilyar na sila dapat sa lugar. Ikalawa: naririnig din naman nila kung saan naggaling ang putukan, Oh, hindi ba?

 Sa hanay ng mga Matataas na Opisyal ng gobyerno(e.i Purisima, Napeñas, Roxas atbp):

     - Paano nabuo ang plano na wala man lamang 'Plan B'?


     -  Sino nga ba ang nagbigay ng 'Go Signal' na hindi man lamang beneripika, pinag-aralan at isinangguni ang planong pagdakip gayung sinasabi ninyo na may ilang taon na ang planong ito?

    -  Paano ninyo idineklarang "Worth It" ang pagkamatay ng 44 sa inyong mga tauhan samantalang, Una: hindi pa kumpirmado ang pagkaka-kilanlan sa nadakip na umanoy si Marwan. Ikalawa: Bakit inihahalintulad ninyo ito sa 'Oplan Bojinka' [ang plano sa pagdakip kay Usama Bin Laden], samantalang lahat kayo ay aminado sa kakulangan sa pagpa-planong ito? Walang nalagas sa tropa ng Gobyerno noon sa pagdakip kay Bin Laden at masusing pinaghandaan iyon ng buong sandatahang lakas ng Estados Unidos.

Sa Kagalanggalang na Pangulo:

    - Bakit ninyo sinabing hindi na kailangan ng PNP-SAF ang inyong 'go signal' gayong kayo ang Commander-in-Chief ng Republika? Pagka ba hindi kayo pinaalam sa kanilang mga operasyon hindi kaya sumama ang loob niyo at sabihing hindi nila kayo iginagalang?

     - Kulang sa koordinasyon at pagpa-plano. Ito ang ilan sa sinabi ninyo na hindi masyadong naging malinaw sa publiko. Ang kulang ba sa koordinasyon ay nangangahulugang makipag-coordinate ang mga nagplano sa MILF? Natatakot ba ang inyong liderato sa MILF kaya't pati sa sensitibong bagay na ito ay kailangan silang abisuhan? Alalahanin po natin ang paliwanag ng mga Heneral, kahit AFP at iba pang dapat makaalam tulad ni Sec. Roxas ay hindi pinaalam para hindi mag-leak ang impormasyon.

     - Kapag ka ba napatunayan ang kasalanan ng MILF sa resulta ng imbistigasyon - kayo na rin ba ang magu-utos na ibasura ang BBL? Kung hindi naman, Bakit kinakailangang ituloy ang BBL kung ngayon pa lamang na MOA (Memorandum of Agreement) palamang ang nalalagdaan hinggil sa  Peace Agreement ay inaabuso na ng kanilang hanay? Magagaratiya ba ng inyong liderato ang tunay at pangmalawakang Kapayapaan sa Mindanao at sa ibang dako ng Bansa gayong may ibang rebeldeng grupo din na maaaring mag-'selos' at humingi ng kahalintulad na batas?


Kristiyano-Muslim dapat pagbuklurin; pag-isahin

Ilan lamang po ang mga ito sa nais nating mabigyang kasagutan at kagaya ng dati, Inaanyayaan ko po ang lahat na tumutok sa kasong ito, sapagkat kung ngayon pa lamang ay nais ng iligaw ng ilang grupo ang tunay na nangyari sa Mamasapano, Maguindanao, Eh pa'no pa po kaya kung nalimot na ito ng marami sa atin?

    Tandaan po natin na ang Maguindanao at iba pang Bayan at Probinsya sa Mindanao ay parte ng Pilipinas. Kung mawawala ang isa sa mga ito ay para na tayong nagtapon ng mahahalagang yaman ng ating Bayan. Ang pagkamatay po ng 44 na kasapi ng SAF ay sobrang napakahirap sa Pamilya, Kaibigan, Kakilala, Katrabaho at doon sa panig ng mga taong wala pong ginawa kundi ang maghangad ng ikaka-unlad at ikakabuti ng buong Bansa. Kaya nga po hindi rin natin maiaalis sa nakararami ang kanilang panawagan hinggil sa 'all-out war'.

Ito rin po ang isa sa aming dahilan kung bakit isinusulong namin ang pagkakabuklod - hindi ang pagkakabukod-bukod ng bawat Pilipino. Sa akin pong pagbabasa marami na akong kwentong nabasa hinggil sa buhay ng marami sa ating mga kapatid sa Mindanao na bagaman ay Muslim ay atin parin namang kauri. Hindi po natin masisisi ang ilan sa kanila sa pagsasabing ang dahilan kasi ng kanilang kagustuhang bumukod ay dahil sa hindi nila madamang sila'y kasapi ng ating bansa. "Hindi namin sila ka-uri" ang sabi ng ilan sa kanila.

Marami po sa kanila [kung hindi man lahat] ay dumaranas ng matinding inseguridad sa buhay, sa sarili at sa Gobyerno, kayat mas ninanais po nila ang magkaroon ng sariling Pamahalaan doon, kung saan pinaniniwalaan nilang mas mabilis na maibibigay ang tulong na nararapat sa kanila. Oo, maaaring tama ang pagtatatag ng Bangsamoro (BBL) kung ang ilan sa mga dahilang ito ang ating susundin at iko-konsidera. Pero hindi po ba't kung ang batayan lamang ng lahat ng ito - ang mga katagang: "hindi nila tayo ka-uri" ay mas lalo tayong dapat [sa pangunguna ng Pamahalaan] na mag-pursige na marating at maipadala ang tulong at mga benipisyong dapat at nararapat lang naman sa kanila, hindi ba?

Kung aminado ang Pamahalaan at ang presenteng Administrasyon dito, maliwanag na hindi po natin kailangan ang pagpasa ng BBL, ang kailangan natin ay bagong gobyerno at liderato na magbubuklod sa bawat indibidwal at pamilyang Pilipino at hindi papayag na magkahiwa-hiwalay tayo at hayaan ang mga kapatid nating Muslim na isiping 'hindi natin sila kauri' sapagkat pumayag tayong bumukod sila.

Pananabotahe

Naniniwala akong ang lahat ng naglalabasang bagong kwento at paghuhugas kamay ng ilan ay parte ng pananabotahe sa ginagawang imbestigasyon para mailihis ito at hindi maparusahan ang dapat na maparusahan. Gaya ng pahayag ng ilan sa mga mambabatas na tunay na rumerespeto sa ating Saligang Batas - 'unconstitutional' ang hakbang na ito. Uulitin ko po, hindi ang Bangsamoro Basic Law (BBL) ang solusyon sa pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao. Bakit? Una po, hindi lang naman sila ang nagdadala ng kaguluhan. Meron din at marami pang ibang rebeldeng grupo na naghahasik din ng kasamaan at kaguluhan. Kapagka ba binawi ng Pamahalaan ang kanilang mga sandata, sigurado na ang kapayapaan sa Mindanao?

Hindi ba't ang kasali lang sa proseso ng 'disarmament' ay ang MILF lamang? Paano ang kanilang mga kaanak na kasapi ng BIFF? Mga Abu Sayaff at iba pang armado at rebeldeng grupo? Isa lamang po itong malinaw na pintas sa atin lalong-lalo na liderato at administrasyong Aquino pagnagkataon.

Kung talagang seryoso ang MILF sa usapang pangkapayapaan at walang halong maitim na plano mula sa mga terorista ng Malaysia [na gaya ng sabi ng pamunuan ng MNLF] bakit hindi nila boluntaryong isuko ang kanilang mga armas? at hinggil sa pagawaan nila ng mga de-kalibreng baril - para po sa impormasyon ng nakararami, hindi po ito alam ng mga kasapi na gumagawa ng batas na BBL. Ang ibig sabihin po, walang magiging aksyon ang Pamahalaan dito. Ang resulta, kahit nangyari o mangyari man ang 'disarmament' ng mga MILF, gagawa at gagawa parin po iyang mga 'yan ng sandata na maaari pang kumitil sa mas maraming inosenting indibidwal kasapi man o hindi ng Pwersa Armada ng Pilipinas.

Ang dapat pong gawin ng Pamahalaan [at ng bawat isa sa'tin] Maglahad ng mas magandang programang pangkalahatan at sugpuin ang kabilat-kanang korapsyon. Pag-nangyari ito, sila mismo ang magbabalik-loob sa Pamahalaan. Hindi kailangang ma-pressure ng Pamahalaan sa anomang ginagawang pampi-pressure o panggigipit ng mga rebeldeng grupo. Sapagkat Una sa lahat, hindi dapat dinidinig ng Estado ang mga grupong gumagawa ng karahasan laban sa kapwa nila. Kung gugustuhin nga ng Pamahalaan at makikipag-matigasan ang mga rebeldeng ito ay kakayanin nito ang sapilitang pagpapa-suko sa mga armas ng mga bandidong grupo - Para ano pa't may proyekto ng modernisasyon ang ating Pwersa Armada kung matatakot tayo sa mga rebeldeng grupo na pinapangunahan ng mga bandidong terorista?












No comments:

Post a Comment