Monday, January 30, 2017

LOKAL | Tigil Oplan Tokhang, ibinasura ni Duterte

Sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na hindi sususpendehin ni Pangulong Duterte ang Oplan Tokhang dahilan bahagi ito ng kaniyang plataporma simula noong tumatakbo pa lamang sa posisyon | Nina: Malou Rongalerios, Joy Cantos (Pang-masa)

MANILA, Philippines – Ibinasura ng palasyo ng Malacañang ang mga panawagang suspendehin o ipatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Oplan Tokhang o ang pinalakas na kampanya upang tuldukan ang malalang problema sa droga sa bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella  na hindi sususpendehin ni Pangulong Duterte ang Oplan Tokhang  dahilan bahagi ito ng kaniyang plataporma simula noong tumatakbo pa lamang sa posisyon.

“Again nung pumasok po ang Presidente, syempre tatandaan po, huwag po natin kalimutan that this was actually his platform to actually bring cleansing. However, nakikita po talaga natin na napakalalim po talaga ng mga pangyayari,” ani Abella.

 Ayon pa kay Abella sa nakikita niya, magkasabay na ginagawa ng Pangulo, ang paglilinis ng bansa at ang paglaban sa ilegal na droga at katiwalian.

Sinabi pa ni Abella na naririnig naman ng Malacañang ang sinasabi ng mga miyembro ng lehislatura kasama na ang panawagan na itigil ang Oplan Tokhang matapos mabunyag ang kaso ng kinidnap at pinatay na negosyanteng Koreano national na Jee Ick Joo.

 Kaugnay nito, tinutulan rin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Oscar Albayalde ang panawagang ipatigil ang Oplan Tokhang dahilan masisira ang kanilang momentum sa tagumpay sa anti-drug campaign lalo na sa Metro Manila.

Binigyang diin ni  Albayalde na matagumpay ang Oplan Tokhang sa Metro Manila at dahil dito’y ma­laki ang ibinaba ng kriminalidad partikular na ang robbery /holdup, cellphone snatching at iba pa.
Gayunman, aminado naman si Albayalde na hihinto lamang sila sa Oplan Tokhang kapag ang korte ang nag-utos at ideklara itong unconstitutional o illegal.

1 comment:

  1. Kahit papaano, okay naman ang tokhang, pero kasi ang weird ng implementation, laging may naglalaban kaya may namamatay. Napaisip tuloy ako if ung mga addict may baril talaga? Anyway, dapat updated ako sa latest local government news.

    ReplyDelete