Thursday, May 5, 2016

EDITORIAL: Boto mo katapat singkwenta pesos ko!

ni: Ram Lopez

Habang papalapit ng papalapit ang araw ng halalan, bata - matanda man, lahat ay sobrang nagiging abala ('busy' ika nga ) sa kung anu-anong gawaing pang-halalalan, nariyan na ang kabila't-kanang pamumudmod ng mga pamphlets, pagdi-dikit ng mga posters at mga campaign materials ng iba't-ibang kandidato mula Nasyonal man o mga kandidato sa lokal, lahat ginagawa ng mga ito mapansin at maalala lamang ng ating mga kababayang boboto sa araw ng halalan - ngayong darating na lunes a-9 ng Mayo.

Kanina, bago ako umalis ng bahay, akala ko kung anong gulo na ang nangyayari sa may labasan, mismong sa may tapat ng aming bahay. Nang pagdungaw ko sa pinto, nakita ko si Mang Juan, may hawak ng isang matulis na metal na para bagang naghahamok ng away doon sa mga kasama niyang umano'y nanlamang sa kanilang grupo nang ito'y hindi mabigyan ng P50 (singkwenta o limampung piso), bayad umano sa suporta ng mga ito sa kanilang ibobotong kandidato.

Lumapit ako sa mga ito at kunwang nag-usyuso. Nagtanong kung ano bang nangyayari at doon nalaman ko na iyon nga ang sanhi ng paga-alburuto ni Mang Juan. Iyon ay sa kadahilanang hindi siya (sampu ng Pamilya niya) inaabot ng singkwenta pesos na bayad sa suporta at marahil ay sa boto niya para lamang maipanalo ang kanilang kandidato na diumanoy incumbent Mayor ng Pasay City - Mayor Calixto Sir - gamiaw (gising) Sir!. Garapalan na po masyado ang ginagawa ng mga tao ninyo! 

Nakakalungkot isipin mga kababayan, na sa kabila ng mga paalala nating mga nasa Media, Social media pati ng iba't-ibang Media channels ay heto pa tayo at lantarang ipinangangalakal ang ating mga boto - ang ating mga dangal kapalit ng kanilang - - - limampung piso!

At ang nakakapang-init ng batok eh, yaong lakas ng boses ninyo mga kabayan, nakalimutan niyo ata na ang pinanga-alburuto ninyo ay mga gawaing labag sa mata ng Diyos at ng ating batas. Isa pa ho, ayan ho mga bata sa harapan niyo oh, kumurap dili ang mga mata sa pili't na pagsabay ng isip ng mga ito sa kung ano nga kayang sinasabi ninyo!

Sa pagtatanong ko, ako pa ang nahiyang sumagot kung ako nga ba ay rehistradong botante ng Pasay. Biglang may nag-flash sa aking utak na baka mamaya, himukin din ako ng mga ito na iboto ang mga sinusuportahan nilang kandidato kapalit lamang ng uulitin ko ho - limampung piso!

Sobrang nakakapang-hina mga kabayan, na kung sino pa ang nasa sapat na gulang, mga dapat na gumagabay saating mga kabataan para turuan silang pumili ng tamang kandidato ay heto't sila pa ang nagtuturo sa kanilang mga anak na gawin at impluwensyahan ang mga inosenteng isipan ng mga ito na ipagbili ang kanilang mga boto, kapalit ng kakarampot na pera mula sa mga kasumpa-sumpang kandidato na tumatakbo, para manilbihan sa bayan pero heto't nagbabayad para lamang mailuklok sa pwesto!

Hindi ko ho talaga maintindihan, at hinding hindi ko matatanggap na ang aking dangal - solidong karapatan ay lalapastanganin ng isang maruming kandidato na sa isang limampung piso ay paaalipin at ipagbibili ko ang aking sagradong boto! sana ho kayo rin. Gusto ninyo ng pagbabago? - aba eh, heto't magka-isa tayo na talikuran at tanggihan ang ganitong mga gawain. Ngunit kung talagang mahina ka, aba eh kunin mo ang perang iyan pero kabayan, sa balota ay bumawi ka, at pangalan ng mabubuting kandidato ang s'yang piliin mo!

Kung mapu-pwede lamang po ayokong magpromote ng kandidato saaking Editorial at sa column kong ito, ngunit gusto kong malaman ninyo na buong pusong inihahayag ko sa ngalan ng buong pwersa ng pahayagang ito - Gamiaw Bulletin, na taas noo naming ipinagpupugay ang aming pagsuporta sa tumatakbong si Senadora Miriam Defensor Santiago sapagkat, napakalinis ng kanyang pangangampanya. Mula sa mga ulat ng iba't-ibang pahayagan, himpilan ng radyo't telebisyon - siya ang bukod tanging kandidato sa pagka-Panguilo na walang libo-libong gastos sa pangangampanya samantalang ang mga katunggali nito ay bilyon-bilyong piso na ang gastos maipanalo lamang ang laban ng mga ito.

Hindi ho ba kabayan, pagbabago ang isinisigaw ng kandidato ninyo? Aba eh, may pagbabago nga kayang mangyayari sa kanilang liderato kung sa kampanyang ito pa lamang ay sungayan na ang mga ito? Hindi ko ho sinisiraan ang mga kandidato ninyo, sinisikap lamang po naming imulat ang inyong mga mata na harinawa'y maging isa kayo sa libo-libong mga kababayan natin na umaasa ng tunay na pagbabago sa pagboto ng tunay na malinis at karapat-dapat na kandidato!.

Sa isa sa mga panayam ko kaninan ring umaga, 90% po ay walang dudang sumagot na gusto nilang si Senadora Santiago rin ang maging Pangulo ngunit napag-alaman ko rin na malaki nga pala ang naging epekto ng mga black propaganda, mga pakana  ng kaniyang mga kalaban hinggil umano sa kalusugan ng Senadora. Isa rin sa nakalap ko ay ang mga ideyang kung mananalo daw umano ang Senadora at hindi papalaring matapos ang termino dahil sa kalusugan nito, pinangangambahan ng iilan na hahalilihan ito ng kanyang Pangalawang Pangulo.

Ako ho at kami mo po, sampu ng mga staff ng Gamiaw Bulletin ay buong-pusong tumutulong na ikampanya ang Senadora, wala po kaming personal na koneksyon o kontak sa kanya, kaya wala po ni piso man ang naibigay isa man saamin para suportahan siya. Ginagawa po namin ito ng libre at buong puso kasi alam naming nagkaroon man siya ng sakit ay naniniwala naman kaming magaling na siya at kayang-kaya niyang sugpuin ang mga tiwali sa gobyerno. Ika nga 'wag po nating huhusgahan ang kapangyarihan ng utak ng tao (power of mind) at dito ho napaka-lakas ng Senadora - walang hong duda! Ang bise-Presidente po, sa totoo lamang wala kaming ini-endorso sa dalawang rason lamang - Una, hindi po kami kagaya ng maimpluwensyang grupo ng mga Manalo na isa pang nagbebenta ng boto, na hindi sana dapat gawain ng mga pinuno ng Simbahan. Ang mga ito ay dapat tumutulad sa Simbahang Katoliko at ng iba pang mga relihiyon na dapat walang kinikilingan, partisan ika nga. Nariyan ang kanilang PPCRV, na siyang nagsisilbing numero-unong watchdog  ng halalan. Ang kaisa-isang nating napagkakatiwalaan sa malinis at maayos na pagbabantay sa halalan. Ikalawa po ay ito: Katulad ng sinabi ng Senadora Santiago, kapag ka Presidente ka lahat sa'yo ay nagha-halelujah at kasama na sa mga maga-halelujah dito ay ang mismong Pangalawang Pangulo.

Tingnan po natin si VP Binay, Sa simula pa lamang alam na nating hindi siya kaalyado ng Pangulong Aquino, na silang dalawa ay kilalang magka-away sa pulitika. Ngunit ng pareho silang maluklok sa pwesto ay wala naming nagawa ang VP Binay kundi ang tumalima at sumunod sa Pangulo. Ang punto po dito ay ito. Kung maayos ang pamamalakad at ginagawa ng Pangulo ang dapat na ginagawa ng mabuting lider ng bansa, Sa palagay ho ba ninyo may magre-reklamo? Samakat'wid, ang pagpili ng bise ay hindi ganoon ka-kritikal na kagaya ng sa pagpili sa magiging Pangulo.

Mamatay man si Senadora Santiago (kahit nga mamamatay naman talaga lahat tayo, una-unahan nga lamang ) sa gitna ng kanyang termino, ay hindi ho natin dapat panghinayangan ito. Ang mahalaga ay nakapag-halal tayo ng isang matino, malinis, epektibo at nakaka-proud na Pangulo - ito pong mga ito at marami pang magagandang rason ang importante dito, para sa kinabukasan nating mga Pilipino!

O hindi ba't mas magandang mangyari ito kesa ipagbili mo ang iyong boto sa halagang singkwenta o limampung piso?



No comments:

Post a Comment