Ni: Aram Oaya Odumreb
Makailang beses na rin po nating natalakay dito ang paksang ito, ngunit heto ulit po tayo at muling tatalakay sa napaka-init na isyung ito hinggil sa isinisigaw ng ilan kasama na rin ng ipo-proklamang bagong Pangulo ng Republika ng Pilipinas - ang kasalukuyang alkalde ng Davao City na si Rodrigo Duterte.
Noon pong isang linggo, nai-post sa ating Blog-Balita page ang isa sa mga panayam sa kontrobersyal na Mayor kung saan nasabi nito na mula sa araw na iyon hanggang sa a-bente nuebe ng Hunyo, ngayong taon, bago pa sya tuluyang magsimula sa panunungkulan bilang Pangulo ng Bansa, ay talaga naman daw sisiguraduhin niyang malalantad ang mga umano'y baho ng Simbahang Katolika. Natitiyak niya raw na dahilan sa mga eksposey na kanyang isisiwalat ay umano'y babagsak ang Simbahang Katolika. Matagal nya na raw gustong gawin ito, kaya bago pa raw sya umupo sa pwesto ay gagawin niya para imulat umano ang mata ng karamihan sa atin.
Kasabay nito ang pag-kwestyon din ng Mayor sa sagradong sakramento ng kumpisal. Sino nga raw ba ang mga Pari para pilitin siyang ikumpisal sa mga ito ang kanyang (mga) kasalanan kung pu-pwede nya naman daw na direktang ikumpisal sa Ama sa Langit ang kanyang nagawang kasalan?
Separation of Church and State
Kahapon, ipinagdiwang ng Simbahang Katolika sa buong mundo ang kapyestahan ng katawan at dugo ng Panginoong Hesu-Kristo o ang tinatawag na " Feast of Corpus Christi. " Sa maringal na misa na pinasinayahan ng butihing Koraparoko ng Simbahan ng San Roque na si Fr. Pascual, tinalakay nito ang bisa ng kumpisal at ng komunyon. Kung kailan ito dapat gawin at kung bakit natin ito ginagawa. Pahapyaw nya ring tinalakay ang papel ng Simbahan sa lipunan kaugnay sa hirit ng ilan na hindi dapat nangingialam ang Simbahan sa gobyerno.
Ayon sa Kora, malinaw ang batas hinggil sa Separation of Church and State. Ngunit ang nagmimistulang malabo ay ang application nito para sa iilan. Ang sinasabing Separation of Church and State sa ating saligang batas, ay malinaw na nagsasabi na bawal na manungkulan at tahasang makialam ang mga Pari o sinomang lihitimong alagad ng simbahan na hawakan ang Pamahalaan o syang magpatakbo ng gobyerno.
Halimbawa na lamang dito ang kaso ng dating Gobernador ng Pampanga na si Rev. Fr. Eddie T. Panlilio, kinailangan niyang pansamantalang iwan ang kanyang bokasyon, ang kanyang tungkulin bilang Pari at siya'y pansamantalang sinuspendi sa mga gawaing pang-simbahan, mula nang ihayag niya ang kanyang intensyon na manilbihan bilang Gobernador ng Pampanga. Isang magandang halimbawa na hindi pinapayagan ng Simbahan na manilbihan ang sinomang alagad nito at hayaang humawak ng dalawang posisyon - at sa magkaibang panunungkulan. Ito'y sapagkat nauunawaan ng Simbahan na maaaring magkaroon ng komplikadong interes ang taong hahawak ng dalawang posisyon. Ito'y maaari ring maipaliwanag sa mas mabilis na pamamaraan gamit ang kataga sa Bibliya na "Hindi ka maaaring maglingkod sa dalawang diyos".
"Walang aliping maaaring maglingkod ng sabay sa dalawang panginoon sapagkat kamumuhian niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod ng sabay sa Diyos at sa kayamanan." - Lucas 16:13
Ngunit bakit nga ba nakiki-alam at nagsasalita ang Simbahan at nagbigay pa ng giya para sa matalinong pagboto, na siya namang ikinasama ng loob ng alkalde ng Davao City na si Digong Duterte? Ayon sa Simbahan, ang kanilang inilabas na palatuntunan o guide para sa matalinong pagboto ay hindi lamang umano para sa alkalde - ito'y para sa lahat ng tumatakbo sa lokal man o nasyonal na posisyon.
Nagsasalita man at kung pangingi-alam man ang tawag ng ilan sa ginagawa ng Simbahang Katolika, ginagawa naman nito ang mga ito para rin lang naman sa ating mga tao - na siyang pinoprotektahan at obligasyon nito. Alalahanin po natin na sa lipunan mayroon tayong apat na mahahalagang bahagi na siyang bumobuo rito - Ang Pamilya, Eskwelahan, Simbahan at Gobyerno. Sa mga ito ang Simbahan ang siyang bukod tanging tagapangalaga ng moral na aspeto ng bawat tao, kaya sila nagsasalita para mapangalagaan ang sagradong karapatan ng bawat isa saatin.
Solicitations - Pamamalimos ng Simbahan
Hinggil naman sa isyu umano ng mga solicitations, matagal na po nating alam na wala namang mga hanap-buhay ang ating mga ka-Parian. Kaya madalas na namimigay ang mga ito ng mga solicitation letters sa mga negosyante o maging sa mga politiko man. Ngunit gaya ng namamalimos sa lansangan, opsyon din po ng mga negosyante at mga politikong ito, kung sila ay magbibigay o hindi. At kapag ka nagbigay sila hindi ho ba't dapat naman sanang 'wag ng ipangalandakan ito ng kung sinomang herodes na nagbigay tulong? At kapag ka ba tayo ang nagbibigay kinakailangan ba na ang tao, asosasyon o organisasyong ating binigyan ang siyang kinakailangang magpaliwanag kung saan nanggaling ang perang ating ibinigay sa kanila? Hindi naman ho, hindi ba?
Samakat'wid, tungkulin ng nagbibigay na siguraduhing maluwag sa kaniyang loob at galing sa kaibuturan ng kaniyang puso ang pagpapasya na siya ay mag-alay ng kanyang ambag. Kasama rin dito ang tiyakin na sa malinis na kamay galling ang pera o donasyong kanyang ibinibigay, sapagkat hindi mo naman maaaring pagpaliwanagin sa madla ang taong naambunan lamang ng iyong biyaya.
Pasensya na po sa mga maka-Duterte diyan, hindi ko po sinisiraan ang inyong iniidolo. Gaya ng paliwanag ng Simbahan, ito ay hindi lamang patungkol sa alkalde, bagkus para narin marahil sa ilan sa ating mga politiko na tinamaan na yata ng magaling at mukhang umakyat na lahat ng dugo sa utak nila at kung anu-ano na ang sinasabi, makakuha lamang ng atensyon nang masa.
Ang Kompisal at ang Komunyon
Ang komunyon po ay ang pinaka-sagradong parte sa loob ng selebrasyon nang Santa Misa. Dito tinatanggap natin ang katawan at dugo ng ating Panginoong Hesu-Kristo. At dahil siya'y bukod tangi sa kalinisan, marapat din siguro na tayong mga tatanggap sa kanya, ay masiguro nating tayo ay karapat-dapat na siya ay papasukin sa malinis rin nating katawan. At ito'y masisigurado natin sa pamamagitan at sa bisa ng kumpisal. Opo, tayo po ay nangungumpisal, para nang sa gayon, maging karapat-dapat tayong tumanggap sa kalinis-linisang katawan at dugo ni Kristo.
Kailan nga ba natin kailangang mangum-pisal bago tayo tumanggap ng sakramento ng komunyon? Nagbigay ng tatlong mahahalagang batayan ang Koraparoko para sa mas mabilis at epektibo nating pagsusuri saating mga nagawang kasalanan. Ito ang mga sumusunod:
- Full Consent - Tanungin ang iyong sarili kung ang kasalan bang nagawa mo ay buong puso mong pinahintulutang mangyari.
Hal. Nangalunya ka ba? Nakipagsiping ka ba sa taong hindi mo naman asawa?
- Full Knowledge - Suriin ang sarili sa kasalanang nagawa. Timbangin kong ito ba ay bago sayo o baka naman mula pa sa umpisa ay alam mo ng mali ang gawin ang bagay na iyon. Kasama rin dito ang mga bagay na nagagawa natin na kung saan tayo ay walang kontrol o wala sa lugar para pigilang mangyari ang hindi dapat mangyari.
Hal. Wet dreams - kasalanang ipinapalagay ng ilan, sapagkat sinasabi ng ilan na kung ano ang
laman ng isip mo bago ka matulog ang siyang mapapanaginipan mo. Ngunit ang tanong dito ay, kontrolado mo ba ang isip mo sa tuwing ika'y natutulog? Ngayong alam mo na, na may epekto sa'yo ang pagi-isip sa mga mahahalay na eksena bago ka matulog, kailangan mong iwasang mag-isip ng mga ganitong bagay bago ka matulog para maiwasan mo ang
pagkakaroon ng tinatawag na wet dreams.
Isa pang halimbawa, Rape. Marahil kunot noong sasabihin ng ilan ay 'depende'. Kung ika'y babae o lalake man na napagsamantalaan at malinis ang loob mo na wala kang ibang motibong naibigay para gawin sayo ang kahalayan o krimeng ito, nangangahulugan iyon na ikaw nga ay tunay na biktima at walang kinalaman o full knowledge sa kasalanang ito.
- Grave Sin - Tanungin mo ang sarili mo, Grave o Mortal sin ba ang nagawa mong kasalanan?
Hal. Alam natin na mortal na kasalan ang pagpatay ng tao. Manggahasa ng kapwa, pero ginawa mo parin dahil sa personal na kadahilanan. Ano man ang dahilan mo, ito'y mananatiling mortal na kasalanan na siyang itnatatwa ng Maykapal.
Ang tatlong mga mahahalagang batayan sa itaas ang siyang magagamit ng bawat isa satin para suriin natin ang ating mga sarili kung nararapat na ba tayong mangumpisal bago tayo tumanggap ng komunyon. Kung ang sagot mo sa mga tanong sa itaas ay lahat Oo, Kapatid kinakailangan mo ngang mangumpisal! Pero, kung dalawa lamang sa mga ito ay Oo, at ang isa nama'y hindi, maaari ka pang tumanggap ng komunyon, mataimtim lamang na magdasal na harinawa'y mapatawad tayo sa mga kasalanang ating dinadala at tuluyang talikuran ito.
Napaka-halaga po ng Kumpisal, sapagkat ang Panginoon na mismo ang nagsabi "Sinomang pinatawad ninyo sa lupa, ay siya Ko ring patatawarin sa Langit".
Walk of Shame: Flores de Pusher
Nakakalungkot po ang sumambulat na balita sa radyo't telebisyon noong isang lingo. At dahil sa hindi po kami sang-ayon sa ginawa ng lokal na Pamahalaan ng Batangas sa sapilitang pagparada ng mga bilanggo na may mga arkong naglalarawan nang mga kasalanang kanilang nagawa ay minarapat po naming huwag nang ilathala ang nakaka-pangilabot na balitang ito.
Ayon sa kaliwa't-kanang mga ulat, sapilitang pinag-martsa ng kasalukuyang alkalde ng Tanauan City na si Mayor Antonio Halili ang mga nahuling pinaghihinalaang drug pusher/user. Tama po ang inyong nabasa, sila ay pinaghihinalaan pa lamang. Hindi pa po sila nahuhusgahan ng hukuman at marahil ay hindi pa man lang nadidinig ang kanilang mga kaso. Hindi pa man nahahatulan ay naapakan na ang kanilang mga karapatan sa hindi pagbibigay sa kanila ng maayos na paglilitis. At iyon po ay nalabag ng sapilitan silang pag-martsyahin sa lungsod na ito. Nasaan po ang CHR, sa mga pagkakataong iyon?
Mga kababayan, hindi po sa hindi natin naa-appreciate ang ginagawang effort ng ating mga opisyal. ang sa'tin lamang po ay mapangalagaan ang mga karapatan ng ating mga kababayan, ng mga maliliit na madalas ay siya silang naaabuso at napapagsamantalahan para lamang sa kasikatan o bentahe ng iilan.
Oo nga po't sila'y sinasabing may nagawang kasalan. Sino ba ang wala sa atin? Naaalala niyo ba ang sinabi ng Poong Hesus, sa mga taong kumokutya at sana'y babato hanggang sa ang babaeng iyon ay mamatay sa kasalan nang pakiki-apid? Batas po sa kanilang lugar ang batuhin hanggang sa mamatay ang sinomang (higit lalo ay babae) mahuhuling gumagawa ng kapares na kasalanan. Ngunit ano ang ginawa at sinabi ng Panginoong Hesus?
" Maunang pumukol ang sinomang walang kasalanan!"
Kung gayon, sino tayo para mangunang humusga sa mga taong kagaya nila na maging ang hukuman na siyang may hurisdiksyon sa bagay na ito ay wala pang sinasabi? Nararapat din kayang ang mga pulitikong napagbibintangan sa kasalanan sa Bayan ay pagmartsahin din at gawan ng kanilang sariling arko na kagaya nito?
Sakali kayang mapagbintangan din ang kasalukuyang alkaldeng ito ng koropsyon, papayag din kaya siyang pagmartsahin dala ang sarili niyang arko na may nakalagay na Flores de Corruption, at sa kanya'y isasabit rin ang mga katagang "ako'y corrupt, 'wag ninyong tularan!" 'Payag ka kaya Mayor, Sir?
Sinasabi po sa report nang isa sa nangungunang pahayagan sa bansa na ito raw mga hakbang na ito ay una pa lamang sa matatapang na hakbang na maaaring gawin ng ating mga lokal na lider alinsunod sa matapang na aksyon at kampanya umano ng uupong bagong Pangulo. Sa isang banda maganda po na tila baga nagkaroon ng enerhiya at ngipin ang ating mga pinuno para labanan ang matagal ng kanser ng ating lipunan.
Ngunit, gising mga kababayan! Tila baga nalimutan na ninyo ang mga katagang Hindi naaayos ng mali ang paggawa ng isa pang bagay na mali rin! Nakakaawa po iyong isa sa batang anak ng isa sa mga pinaghihinalaang pusher na nakasama sa mga ipinaradang bilanggo doon sa Batangas. Ang bata ay natukso ng mga kalaro nito at marahil ay patuloy na matutukso lalo't papalapit na ang muling pagbubukas ng klase ngayong Hunyo.
Tandaan po natin na ang itinatakwil natin dito at ang malinaw nating kalaban rito ay ang mga gawang hindi mabuti - ang mga kasalang nagagawa ng tao - hindi po ang ang mga taong gumagawa ng kasalanan. Sapagkat, ang taong makasalanan ay may kakayahan at pagkakataon pang magbago, hindi po natin kinakailangang gawin ang mga mararahas na hakbang na ito para sa agarang pagbabago. Dahil ang tunay na pagbabago at epektibong solusyon ay yaong mga planong pinag-aralan ng todo, na walang taong maa-agrabyado higit sa lahat ay maa-abuso. Sapagkat ang taong hindi napahiya, ay mas may pag-asang magbago kumpara doon sa ipinahiya mo na para bagang pinatay mo na sa mapang-usig na isip at dila ng mga tao.
Ito po ang gawain ng Simbahan, ang magsalita at ilahad ang tama para sa kabutihan ng lahat, hindi lamang ng ilan kundi para sa pangkalahatan. Kaya bago po tayo sumigaw ng Separation of Church and State, isipin natin kung para kanino at saan nga ba ang ginagawa ng Simbahan, nang sa gayon ay hindi naliligaw ang isip ng ating mga kabataan. Huwag po nating iisiping kalaban ang Simbahan, sapagkat sa lahat, dito po tayo pu-pwedeng tumakbo anumang oras at anomang bigat ng ating mga dinadala.
At kung gugustuhin po talaga natin ang pabagsakin ang Simbahan, aba brod, mag-isip at makinig ka, may ibang boses na bumubulong saiyo para ika'y magamit at sa kumunoy ng kasalanan ay malugmok ka. Isipin po natin na walang magandang lipunan, kung walang Simbahang pupuna at gagabay rito.
Maliwanagan sana ang ating mga bagong halal na lider at sila sana'y gabayan ng Poong lumikha at sa kanilang pwesto'y 'wag sanang umabuso, at kanila sanang maisip na sa mga tao'y may pananagutan sila. At ang kanilang tungkuli'y maging tagapamayapa, hindi ang gawin ang kasalungat na mga gawa!
Gamiaw, Pilipinas!
No comments:
Post a Comment